Manila, Philippines – Tinawag na `out of order` ng ilang lider ng Kamara ang hiling ni Atty. Larry Gadon sa Kamara na gawing special prosecutor si Pangulong Rodrigo Duterte sa oras na maiakyat sa impeachment court sa Senado ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Giit ni House Deputy Speaker Fredenil Castro, tanging ang mga miyembro ng 11-man House prosecution panel sa Senate Impeachment Court ang otorisado lamang sa ilalim ng Konstitusyon na maglitis kay Sereno.
Paliwanag ni Castro, hindi maaaring italaga ang ehekutibo lalo na ang Pangulo na maging prosecutor ng impeachment court maliban kung aamyendahan ang Kontitusyon.
Sang-ayon naman ang kampo ni Sereno sa sinabi ni Castro at iginiit na labag sa Konstitusyon ang nais ni Gadon na gawing special prosecutor si Pangulong Duterte.
Nilalabag din nito ang papel ng Kamara bilang sole prosecutor at lalabas na may sabwatan kung papayagan ang Ehekutibo na lumahok sa impeachment process.
Dagdag pa dito, kung ipagpipilitan ni Gadon ang gusto ay malinaw na pagsuway ito sa separation of powers ng Executive, Legislative at Judiciary branch.