Manila, Philippines – Nagbayad na ng piyansa si dating Pangulong Noynoy Aquino sa mga kaso ng kinakaharap nito sa Sandiganbayan matapos ang limang oras na na-i-raffle sa 3rd division ang kaso nito.
Aabot sa 40,000 ang kabuuang ibabayad ni P-Noy para sa kanyang pansamantalang kalayaan o P10,000 piyansa para sa Usurpation of Official Functions at P30,000 para sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Personal na nagtungo sa Sandiganbayan ang dating Pangulong Aquino para maglagak ng kanyang piyansa na kasalukuyang nasa clerk of court ng 3rd division.
Sinamahan din si P-Noy ng kanyang mga kapatid na sina Balsy, Pinky at Viel gayundin ang kanyang pinsan na si Senator Bam Aquino pati ilang mga kasamahan sa Liberal Party.
Sasailalim pa rin sa normal na booking procedure si P-Noy tulad ng fingerprinting at mugshot kahit hindi pa ito naiisyuhan ng warrant of arrest.
Si P-Noy ay nahaharap sa isang bilang ng paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act at isang bilang ng paglabag sa Usurpation of Official Functions o Article 177 kaugnay sa Mamasapano Incident na ikinasawi ng SAF 44 kung saan nakukwestyon ang pagtatalaga nito kay dating PNP Chief Alan Purisima sa Oplan Exodus na noon ay suspendido.