Tatlong pakete ng marijuana na nagkakahalaga ng P1.1 milyon ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark sa Pampaga.
September 8 nang dumating ang shipment sa bansa mula sa California, USA.
Idineklara itong “Coffee T-shirt Bookbag” pero nang inspeksyunin, napansin ng customs examiner ang anila’y “sweet aroma” ng coffee beans na naging dahilan para buksan ito.
Nakumpirmang marijuana ang laman ng coffee packs matapos ang K-9 sniffing at laboratory testing at chemical analysis sa samples.
Dahil dito, inilabas ni District Collector Atty. Ruby Alameda ang Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d) at 1113 (f), (i) at (l) ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na may kinalaman sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Naiturn-over na rin ang marijuana sa PDEA para sa proper disposition.