Aabot sa P1.2 Billion ang ilalaang pondo para sa free Wi-Fi hotspots sa buong bansa sa 2020.
Ayon kay House Committee on Appropriations Vice Chairman Luis Campos, nakapaloob sa isinumiteng 2020 budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang alokasyon para sa Free Internet Wi-Fi Connectivity in Public Places Project.
Sa pamamagitan nito ay makakagamit ng libreng Wi-Fi ang mga Pilipino sa mga pampublikong lugar na walang kinakailangang password.
Sa report ng DICT, mula April 2019 ay nakapag-install na sila ng password-free Wi-Fi hotspots sa 2,330 sites kasama na dito ang 17 rehiyon, 73 probinsya at 640 munisipalidad at syudad.
Kinuha naman ang pondo dito sa Free Public Internet Access Fund ng ahensya mula sa user fees na kinokolekta ng National Telecommunications Commission (NTC).
Samantala, isinusulong naman ng kongresista na madagdagan pa ang pondo ng DICT para sa National Government Portal, National Government Data Center at National Broadband Plan.