Nalugi ang pamahalaan ng ₱1.356 billion matapos bawasan ang tariff rate sa imported pork meat.
Ayon sa Department of Finance (DOF), ang Bureau of Customs (BOC) ay nakapagtala ng pagtaas ng pork imports sa hanggang 76 na kilo mula Abril hanggang Hunyo.
Tinatayang 24.45 million kilos ng karneng baboy ang ipinasok sa bansa nitong Abril, at 36.5 million kilos noong Mayo at 15.14 million kilos mula June 1 hanggang 11.
Una nang sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na posibleng sumampa sa 11.2 billion pesos ang mawalang revenue ng pamahalaan dahil sa mababang pork import tariffs.
Noong Abril, tinapyasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tariff rates sa imported pork meat sa 5% hanggang 20%, mula sa dating 30% hanggang 40% sa ilalim ng Executive Order 128.
Nitong Mayo, naglabas si Pangulong Duterte ng EO 133 kung saan itinataas ang minimum access volume (MAV) para sa pork imports sa 254,210 metric toms (MT) mula 54,210 MT.
Bukod dito, inaprubahan naman ni Pangulong Duterte ang EO 134, kung saan itinatakda ang taripa sa pork imports sa ilalim ng MAV sa 10% para sa unang tatlong buwan, at 15% sa susunod na siyam na buwan.