P1.3-M shabu, iniwan sa baggage counter ng supermarket

Bigong maipuslit ng hindi pa nakikilalang suspek ang mahigit 200 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P1.3 milyon na iniwan sa baggage counter ng isang supermarket sa Makati City.

Ayon sa pulisya, inabandona ng isang lalaki ang dalawang eco bag na pinaglagyan ng droga sa baggage counter ng Uni-Mec Supermarket sa JP Rizal Avenue, Barangay Comembo, hapon noong Biyernes.

Nitong Linggo nang isang lalaki rin ang nagtangkang kunin ito ngunit hindi ibinigay ng bantay sa baggage counter dahil wala umano itong maipakitang claim stub hanggang magsara na ang tindahan.


Dito na nagpasya ang management na buksan ang eco bag na naglalaman pala ng mga plastic sachet ng hinihinalang shabu na agad nilang itinawag sa awtoridad.

Napag-alaman na tumimbang ang droga ng 200.69 gramo na nagkakahalaga ng P1,304,485.

Kaugnay nito, nagsagawa ng surveillance operation sa lugar nitong Lunes ng umaga para sa posibleng pagbalik ng suspek, ngunit wala umanong dumating para bawiin ang baggage.

Facebook Comments