
Tinatayang aabot sa P1.5 milyon ang naitalang pinsala ng sunog na sumiklab sa Purok San Isidro, Barangay Agdao Proper, Davao City, na tumawid pa sa kalapit na barangay ng Leon Garcia, kahapon, Agosto 18.
Sa report ng Davao City Fire District, nasa mahigit 70 house owners o 280 indibidwal ang naging biktima ng sunog. Aabot sa 1,000 square meters ang lawak ng pagkalat ng apoy na umabot sa pangalawang alarma.
Sa imbestigasyon, sumiklab ang apoy bandang 1:06 ng hapon. Umabot ito nang tatlong oras bago nakontrol at naideklarang “fire out” bandang 3:39 ng hapon.
Dali-dali namang rumesponde ang tatlong fire trucks ng Bureau of Fire Protection o BFP at walong auxiliary brigades.
Wala namang naitalang casualty dahil sa sunog, at sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon sa sanhi nito.
Naipaabot na rin sa mga biktima ang tulong mula sa City Government of Davao.








