Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang P1.5 Trillion stimulus program para sa employment generation, infrastructure at pagsisimula muli ng ekonomiya.
Sa botong 210 affirmative at 7 negative, pumasa na sa Kamara ang House Bill 6920 o COVID-19 Unemployment Reduction Economic Stimulus o CURES Act of 2020.
Layunin ng panukala na lumikha ng employment opportunities para sa mga Pilipino sa oras na matapos na ang community quarantine sa pamamagitan ng infrastructure projects.
Ang P1.5 trillion ay para sa loob ng tatlong taon o hahatiin sa P500 billion hanggang 2022.
Gagamitin ang pondo para sa pagpapatayo ng barangay health centers, municipal at city hospitals, food terminals, “tele-health” services, post-harvest facilities at iba pang infrastructure projects tulad ng bicycle lanes, evacuation centers, disaster emergency facilities, isolation and testing facilities, tulay at mga daan.
Ang mga infrastructure projects na ito ay makapagbibigay naman ng trabaho sa milyun-milyong mga Pilipino na nawalan ng hanapbuhay ngayong may COVID-19 pandemic.
Ang Presidential Committee on Flagship Programs and Projects, katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr) ang mangunguna naman sa pagtukoy ng mga infrastructure projects at kung ilang mga indibidwal ang kanilang kukunin para mabigyan ng trabaho.