Nag-ambagan ang mga miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability para makalikom ng isang milyong pisong pabuya.
Para ito sa makapagtuturo sa indibidwal na may pangalang “Mary Grace Piattos” na nakasaad sa mga dokumento para sa liquidatin ng P612.5 million na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) na isinumite sa Commission on Audit o COA.
Ayon kay Assistant Majority Leader at Zambales Representative Jay Khonghun, may iba pang pangalan na kaduda-duda sa acknowledgement receipts na isinumite ng OVP sa COA kung saan si “Mary Grace Piattos” ang tila may pinakamalaking nakuha sa bahagi ng confidential funds na ginastos noong December 2022.
Lumutang ang pangalan ni Piattos sa pagdinig ng Good Government and Public Accountability kung saan binusisi ang 158 acknowledgment receipts na mukha umanong gawa-gawa lamang.
Ipinunto naman ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na kapansin-pansin ang halos magkakaparehong sulat-kamay sa mga resibong isinumite ng OVP sa COA at mga pangalan na mukhang imbento at kapareho ng pangalan ng ilang mga restaurant.