P1-M reward money, ibibigay sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng 2 pang POI sa MSU bombing

Nag-alok na ng P1 milyong pisong pabuya ang isang personalidad para sa mga makapagtuturo sa kinaroroonan at pagkakakilanlan ng dalawang lalaking itinuturing na persons of interest sa pagpapasabog sa Mindanao State University noong December 3.

Ayon kay Philippine National Police Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, pinaniniwalaan na ang dalawa ang may dala ng bomba na pinasok sa loob ng MSU.

Nakita sa CCTV footage na nakalap ng mga awtoridad na ang dalawa ay sakay ng motorsiklo habang papunta hanggang sa paalis ng MSU matapos ang pagsabog.


Bago ito, makikita rin sa CCTV ang lalaking backrider na may bitbit na bag na ayon kay Fajardo ay naglalaman ng 60 mm mortar at RPG.

Ang dalawang POIs ay bukod pa sa mga tinukoy ng suspek ng pulisya na sina Cadapi Mimbisa alyas Engineer at Arsani Membisa alyas Khatab, Hatab at Lapitos.

Facebook Comments