Inumpisahan ng talakayin ng House Special Committee on Senior Citizens ang panukala na itaas sa P1 Million ang matatanggap na cash gift sa mga nakakatanda pagsapit ng kanilang ika-100 taong gulang o centenarian.
Sa House Bill 1107 ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, mula sa P100, 000 na cash gift ng pamahalaan sa mga sumapit ng 100 taong gulang ay isinusulong itong gawing P1 Million.
Ipinupursige din ng komite na magkaloob ang gobyerno ng isang milyong piso sa bawat susunod na taon pagkatapos ng ika-100 ng mga matatanda.
Layunin ng panukala na mabigyan ng sapat na pondo ang pamilya ng mga lolo at lola para patuloy silang maalagaan.
Pangangasiwaan naman ng National Commission of Senior Citizens ang pagbibigay ng malaking cash gift.
Maliban sa isinusulong na P1 milyong cash gift, mayroon pang 19 na mga panukalang batas na nag-aamyenda sa Republic Act No. 10868 o Centenarians Act of 2016 na pinamamadaling mapa-aprubahan upang madagdagan ang benepisyo at pribilehiyo ng mga Pilipinong centenarian.