
Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na posibleng ang China ang nasa likod ng P10-bilyong halaga ng shabu na nasabat ng Philippine Navy sa karagatang sakop ng Zambales.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, mayroong Chinese markings ang 1.5 toneladang ilegal na droga na kahalintulad sa mga naunang nakumpiskang droga ng mga awtoridad.
Dagdag pa nito, may pattern ang mga kontrabando na mayroong Chinese characters na layuning sirain ang kinabukasan ng kabataang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapakalat ng droga sa bansa.
Matatandaang nasabat ng Philippine Navy ang isang fishing vessel na may kargang shabu sa tinatayang 50-60 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.
Arestado sa nasabing operasyon ang ilang Pilipinong mangingisda at isa umanong Chinese-Malaysian national.
Lumalabas sa imbestigasyon na galing ang droga sa isang mas malaking barko na agad na nakatakas bago maabutan ng mga awtoridad.









