Malaking tulong para sa ongoing manhunt operations kay dating Police Colonel Eduardo Acierto ang 10 milyong pisong patong sa kanyang ulo.
Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac matapos ianunsiyo kahapon ng Department of Justice (DOJ) ang pabuya na inalok ng Malacañang.
Pero ayon kay Banac, meron o walang pabuya ay mandato ng PNP na hanapin ito at isilbi ang warrant of arrest laban sa kanya.
Una nang sinabi ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde na hinahanap na ng tracker teams ng CIDG si Acierto mula nang matanggap nila ang kopya ng warrant noong nakaraang linggo.
Ipinag-utos kasi ng Manila City Regional Trial Court (RTC) Branch 35 ang pag-arresto sa naturang dating pulis at ilan pang mga personalidad kaugnay ng kaso sa drogang ipinuslit sa bansa sa loob ng mga magnetic lifters.
Magugunitang noong nakaraang buwan lang ay inakusahan ni Acierto si dating Presidential Adviser Michael Yang na may kaugnayan sa ilegal na droga, bagay na pinabulaanan ng Palasyo.