Pinababalik ng ilang transport groups sa P10 ang minimum fare sa mga pampublikong jeepney matapos ang sunod-sunod na taas-presyo sa produktong langis.
Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, ito ay habang dinidinig pa sa ngayon ang petisyon nilang gawing P15 ang minimum na pasahe sa jeep.
Aniya, umaabot na lang nagyon sa P250 hanggang P350 ang kinikita ng bawat driver.
Sa ngayon, nasa P57 hanggang P60 ang litro ng diesel, na mas mataas sa P42 hanggang P49 noong 2018.
Pero giit ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Executive Director Maria Kristina Cassion, hindi ora-oradang maibibigay ang hirit ng mga tsuper na dagdagan ng piso ang pasahe.
Mas makakabuti aniya na hintayin na lang muna ang pagdinig sa hirit na gawing P15 ang minimum na pasahe sa jeep sa unang linggo ng Marso.
Nauna nang inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na sa ikapitong linggo ay asahan na ang muling taas-presyo sa produktong petrolyo.