P100 million na alokasyon para sa pagtatayo ng imprastraktura sa Ayungin Shoal, isusulong ng isang senador

Ipapanukala ni Senator Chiz Escudero na bigyan ng alokasyon sa ilalim ng 2024 National Budget ang pagtatayo ng mga permanenteng istruktura sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Ayon kay Escudero, irerekomenda niya ang P100 million na minimum na pondo para sa pagtatayo ng pier at lodging structures sa Ayungin Shoal.

Ito ay para na rin sa ating mga sundalong nakatalaga sa lugar at para sa pansamantalang matutuluyan ng mga mangingisdang na aabutan ng masamang lagay ng panahon.


Layunin din ng construction ng mga imprastraktura na palakasin ang presensya ng bansa sa pinag-aagawang maritime territory.

Iginiit pa ni Escudero na kailangang madaliin na ang pagtatayo ng mga imprastraktura sa Ayungin Shoal dahil ang matinding kalaban ngayon ng luma nang barko na BRP Sierra Madre ay ang kalikasan at darating ang panahon na mawawala na rin ito.

Giit pa ng senador, hindi dapat masawi sa tetanus ang ating mga sundalong nakadestino doon dahil nagtitiis sa kinakalawang na barko.

Suhestyon pa ni Escudero, isailalim sa mga civilian agencies tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) o Philippine Coast Guard (PCG) ang appropriation sa pagtatayo ng structures sa Ayungin Shoal upang hindi ito makadagdag sa militarisasyon sa rehiyon.

Facebook Comments