P1,000 na buwanang hazard pay para sa mga barangay tanod, ipinasasabatas ng Senado

Courtesy: Provincial Government of La Union

Matapos ang naganap na 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kahapon, kinalampag naman ni Senator Jinggoy Estrada na agad na maisabatas ang panukala na pagbibigay ng P1,000 na buwanang hazard pay para sa mga barangay tanod.

Sa Senate Bill 794 na inihain ni Estrada, inirerekomenda ng senador na bigyan ng buwanang P1,000 na hazard pay ang mga itatalagang miyembro ng barangay tanod brigades.

Ito ay insentibo kapalit ng kanilang pagganap sa tungkulin na pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa kanilang komunidad.


Sa kasalukuyan ay honoraria o allowance lang ang natatanggap ng mga barangay tanod na hindi bababa sa P600 kada buwan.

Ayon pa kay Estrada, ang mga barangay tanod ang nagpupuyat sa gabi at sila rin ang frontliners na nagbabahay-bahay noon at nag-aabot ng tulong sa mga kababayan tulad ng nasaksihan noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Binigyang diin ni Estrada na bagama’t tulad sa ibang mga opisyal ng barangay ay nakakatanggap din ng ibang benepisyo ang mga barangay tanod, nangangailangan din ang mga ito ng dagdag na proteksyon.

Nararapat lamang aniyang makatanggap ng sapat na suporta at pagkilala mula sa gobyerno ang mga barangay tanod.

Facebook Comments