Ipinakokonsidera ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Department of Finance (DOF) ang iba pang paraan upang magkaroon ng pondo ang gobyerno na gagamitin bilang ayudang ipapamahagi, sa mga lugar na nakasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa inilabas na pahayag ni Drilon, maaaring gamitin ang natitirang pondo na aabot sa P11.02 billion mula sa Philippine International Trading Corporation (PITC).
Mataas kasi aniya ang posibilidad na hindi pa ito nagagamit nang ibalik sa Bureau of Treasury (BTr).
Pinayuhan naman ni Drilon ang DOF na isama pa rin ang PITC sa ‘cash sweep’ at agad nang bigyan ng direktiba ang ahensiya upang tumulong sa paghahanap ng pondo.
Ang tala ay una nang inilabas ng Commission on Audit (COA) mula sa Source Agencies (SAs), partikular na sa National Government Agencies (NGAs) mula 2014 hanggang 2020 na gagamitin sana para sa pagbili ng mga kagamitan.
Sa oras na maaprubahan ang plano, malaki ang posibilidad na doblehin pa ang P4,000 na ayuda na ipapamahagi sa mga Pilipino na magiging P8,000 na.