Manila, Philippines – Pinababalik ng mga state prosecutor sa Sandiganbayan kay dating Senador Bong Revilla ang nasa 124.4 million pesos mula sa kaniyang pork barrel.
Ito ay kahit napawalang sala na si Revilla para sa mga kasong plunder kaugnay ng PDAF scam.
Nakasaad sa mga dokumentong inihain ng prosekusyon na hindi naman idineklara ng korte na walang civil liability si Revilla kaya dapat pa rin nitong ibalik ang pera ng gobyerno kasama ang mga kapwa akusadong sina Janet Lim Napoles at Richard Cambe.
Giit pa ng prosekusyon, pinal na ang desisyon ng korte dahil hindi naghain ng mosyon o apela si Revilla ukol sa nasabing civil liability.
Sa kabila nito, nanindigan ang kampo ni Revilla na wala siyang kailangang ibalik na pera dahil wala naman siyang natanggap direkta man o hindi mula sa kaniyang PDAF.