P124 milyong halaga ng smuggled goods, nasabat ng BOC sa Bataan

Umaabot sa 124 million pesos na halaga ng smuggled goods ang nasabat ng Bureau of Customs sa isang private port sa Brgy. Sta. Elena, Orion, Bataan.

Sa inisyal na ulat mula kay BOC Port of Limay District Collector Atty. William Balayo, nasa estimated 20,000 sako ng Vietnam rice na nagkakahalaga ng P50 milyon at P74 million halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng BOC.

Nasakote ang 50 katao na nasa aktong nagdidiskarga ng mga smuggled goods.


Sa isinagawang inquest proceedings sa Orion Dockyard na pinangunahan ni Bataan Provincial Prosecutor’s Office Chief Sonny Ocampo, kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariffs Act o ang pagpasok o smuggle ng mga produkto ng hindi nagbabayad ng karampatang buwis sa gobyerno ang isasampa laban sa 50 katao na naaresto.

Samantala, ayon sa ilang nadakip, nanggaling pa umano sila sa iba’t ibang lalawigan at narecruit para makasampa sa naturang cargo vessel bilang bahagi ng kanilang on the job training o OJT at nagbayad pa kada ulo ng P35,000.

Nasa kustodiya sila ngayon ng Customs Police para sa karampatang dokumentasyon.

Facebook Comments