Nakahanda na ang P12.4 milyong ayuda na ipapamahagi sa mga apektadong residenteng naapektuhan ng Bulkang Taal na kasalukuyang nasa Alert Level 3.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa naturang halaga, P1.4 milyong halaga ang nakalaan para sa food packs habang P11 milyon naman ang para sa non-food items.
Aniya, naka-heightened alert status na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4-A gayundin ang Philippine National Police (PNP) para tulungan ang mga residente.
Maliban dito, activated na rin ang Joint Task Force Taal ng Southern Luzon Command para tulungan ang operasyon ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang Local Government Units (LGUs).
Nag-deploy na rin ng mga sasakyan at tauhan ang Philippine Coast Guard (PCG) Logistics Systems Command para alalayan ang PCG District Southern Tagalog sa pagsasagawa ng humanitarian assistance at disaster relief operations.