P13.9-M Halaga ng Marijuana, Binunot at Sinunog sa Kalinga

Cauayan City, Isabela- Libo-libong marijuana plants ang matagumpay na binunot at sinunog ng mga otoridad ngayong araw ng Linggo, September 20, 2020 sa Bugnay, Tinglayan, Kalinga.

Tinatayang aabot sa P13.9 milyong pisong halaga ng marijuana ang binunot at sinunog ng mga pinagsanib pwersa ng Provincial Intelligence Unit/Drug Enforcement Unit (PIU/DEU-Kalinga PPO), Tinglayan MPS, Regional Drug Enforcement Unit (RDEU-PRO COR), Regional Intelligence Division (RID-PRO COR), Regional Intelligence Unit (RIU-14), 1503rd RMFB15, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Kalinga, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA R2), 1st KPMFC at 2nd KPFMC.

Aabot naman sa 68,800 na puno ng marijuana ang sabay-sabay na sinunog na nabunot sa tinatayang 4,000 square meters na lawak ng anim na plantasyon na nadiskubre sa barangay Bugnay.


Sa ginawang pagsalakay ng mga otoridad sa plantasyon ay walang naabutan at nahuling nagmamay-ari sa taniman ng ipinagbabawal na gamot.

Binalaan naman ni PCOL Davy Vicente Limmong, Provincial Director, ang mga nagtatanim ng marijuana na nananamantala sa nararanasang pandemya na huwag magpakampante dahil gagawin pa rin aniya ng kapulisan ang kanilang tungkulin hindi lamang sa pagpapatupad ng mga quarantine protocols kundi maging sa kanilang operasyon kontra sa illegal na droga.

Facebook Comments