Matagumpay na naharang ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang indibidwal matapos makuhanan ng P13 million na halaga ng iligal na droga.
Isinagawa ng ahensya ang kanilang interdiction operation sa Macapagal Boulevard, Pasay City.
Ayon kay National Capital Region (NCR) Regional Director Rommel Vallejo, may nagpaabot aniya ng impormasyon sa kanilang hanay na mayroong magaganap na malakihang transaksyon ng droga sangkot ang mga Chinese nationals.
Paliwanag ni Vallejo, ilang araw nilang minanmanan ang subject.
Kaagad na hinarang ng mga operatiba ang taxi sakay ang umano’y courier ng mga drug syndicate.
Bumulaga sa kanila ang isang malaking kahon na may lamang tape dispenser kung saan dito nakasiksik ang mga droga.
Tumitimbang ito ng 20 kilos at may street value na aabot sa P13-M.
Itinatanggi naman ng taxi driver na kilala niya ang kanyang mga naging pasahero at iginiit na wala siyang kinalaman sa insidente.
Samantala, nasa pangangalaga na ngayon ng NBI ang dalawang suspek.