Patuloy pa ang pangangalap ng datos mula sa mga personnel ng City Agriculture Office sa mga komunidad upang matukoy ang ilan pang hindi naitatalang pinsala sa pangisdaan dulot ng nagdaang bagyo.
Ayon sa pahayag ni City Agriculture Office Head Mary Ann Salomon, umabot sa P130 milyon ang halaga mula sa mga nakawalang stocks sa mga palaisdaan at wala pa umano ang mula sa iba pang istraktura o fishpen.
Dahilan umano ito kaya bumaha ng suplay ng bangus sa mga gilid ng kalsada na ibinebenta sa P80 hanggang P100 ang kada kilo.
Bukod sa bangus, may mga iba pang high-value na isda ang nakawala tulad ng malaga, lapu-lapu at banami o hipon.
Dagdag ng opisyal, dahilan din ng mababang presyo ng bangus sa kasalukuyan ang maraming suplay nito sa merkado matapos abisuhan ang ilang sumisigay na mag-force harvest bunsod ng inaasahang epekto ng bagyo noong Sabado pa lamang.
Samantala, tiniyak ng tanggapan na nakapagsumite na ng datos sa provincial office upang maipasa na sa national government nang mabigyan ng kaukulang tulong ang mga apektadong mangingisda.
Muli namang ipinaalala ni Salomon ang pagtalima sa mga abiso partikular sa pagpapasa ng datos bago ang deadline na itinakda ng national government. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









