
Nasabat ng mga operatiba ng kapulisan ang mahigit dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P14 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Bagasbas, Daet, Camarines Norte.
Naaresto sa operasyon ang dalawang suspek na kinilalang sina alyas “JR” at “Ivan”, parehong nasa tamang edad at itinuturing na high-value individuals (HVI) at high-value targets (HVT) sa larangan ng ilegal na droga.
Ayon kay PLTCOL Charles De Leon, hepe ng Daet Municipal Police Station, nagsimula ang operasyon sa aktibong pakikilahok ng ilang concerned citizens na nagpaabot ng inisyal na impormasyon sa mga awtoridad.
Isinagawa ito sa pamamagitan ng target intelligence na may mahigpit na koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency at iba pang mga operatiba.
Dinala na ang mga naarestong suspek, kasama ang mga ebidensya, sa himpilan ng Daet MPS. Sila ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.









