P14-M utang ng mga ahensya sa OP na na-flag ng COA, hinahabol na ng Malacañang

Tiniyak ng Malacañang na tinatrabaho na ng Office of the President (OP) ang paniningil sa mga ahensyang may utang para sa gastos sa foreign trips ng Pangulo mula 2022 hanggang 2024.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nagpadala na ang OP ng demand letters noong Abril at Mayo matapos matukoy ng Commission on Audit (COA) na may P14.4 milyon pang hindi nababayaran.

Nasa mahigit P7.8 milyon o 55% ang nakolekta na, habang mahigpit na binabantayan ang natitirang halaga sa buwanang monitoring at patuloy na follow-up.

Dagdag pa ni Castro, inabonohan muna ng OP ang ilang gastusin ng halos dalawampung ahensya na kasama sa biyahe ng Pangulo sa labing-isang bansa na karaniwang arrangement kapag inter-agency ang delegasyon.

Obligado naman aniya ang mga ahensyang ito na mag-reimburse.

Nilinaw ni Castro na nadelay ang bayaran dahil sa legal at audit processes ng mga ahensya, pero tuloy ang paniningil at pagpapaliwanag na hinihingi sa mga hindi pa nakaka-settle ng kanilang obligasyon.

Facebook Comments