P16.1-M na halaga ng relief assistance, naipamahagi na ng DSWD sa mga pamilyang apektado ng Bagyong Rolly

Nakapagmahagi na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng relief assistance na nagkakahalaga ng P16.1 milyon para sa mga pamilyang apektado ng Bagyong Rolly.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, aabot sa 4,737 family food packs ang naihatid sa Bicol Region partikular sa mga probinsya ng Catanduanes, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte at Sorsogon.

Nagpamahagi rin ang ahensya ng 1,000 pieces ng malong sa Tabaco City sa Albay at paparating na rin ang 1,200 family food packs at 100 na rolyo ng laminated sacks.


Naihatid na rin sa Catanduanes sa pamamagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 3,000 FFPs, 1,000 hygiene kits, 2,000 kitchen kits, 450 sleeping kits, 450 mosquito nets at 3,944 350-ml mineral water.

Inihahanda na rin ang Emergency Shelter Assistance program para sa reconstruction efforts sa Bicol at CALABARZON.

Aabot sa 26,800 ang partially damaged na bahay at 10,740 totally-damaged sa Bicol Region.

Ito’y maliban sa Assistance to Individuals in Crisis Situation na ipagkakaloob ng DSWD sa mga residente na namatayan o may kamag-anak na nasugatan sa kasagsgan ng bagyo.

Facebook Comments