Nakatakdang ratipikahan ng Kamara ang bicameral conference committee report sa panukalang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 sa Lunes, August 24.
Nakapaloob sa panukalang batas ang P165 billion na ilalaan para sa COVID-19 response at sa muling pagpapalakas ng ekonomiya.
Ayon kay Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte, mayroong ilang probisyon ang nagpaantala sa final approval pero niresolba agad ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Nabatid na isinusulong ng Kamara ang P162 bilyon na pondo sa kanilang bersyon ng Bayanihan 2, mataas sa P140 bilyon na inirekomenda naman ng Senado.
Sumang-ayon ang mga kongresista at mga senador na gawin itong P165 billion para matulungan ang lahat ng sektor na naapekuhan ng pandemya.
Ang pagkukuhanan ng pondo ay sa unprogrammed funds at savings mula sa 2020 General Appropriations Act, pooled savings mula sa Bayanihan 1, mga sobrang revenue collections mula sa tax at non-tax sources, bagong revenue collections at iba pa.
Sa ilalim ng Bayanihan 2, ilalaan ang P50 bilyon sa government financial institutions tulad ng Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Philippine Guarantee Corporation at Small Business Corporation para magbigay ng soft loans sa mga apektadong sektor.
Magbibigay rin ito ng 5,000 hanggang 8,000 pesos na cash aid sa low income households sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown, displaced workers at returning Overseas Filipino Workers (OFWs).
Maglalaan din ng subsidies at allowances na nagkakahalaga ng P600,000 sa mga kwalipikadong estudyante sa pampubliko at pribadong paaralan sa elementary, high school at college, maging ang one-time cash aid na nagkakahalaga ng 300,000 pesos sa displaced teaching at non-teaching personnel.
Nasa P13.5 billion ang inilaan para sa health-related responses, kabilang ang pagbibigay ng hazard pay at special risk allowance para medical frontliners, pagbili ng face masks, face shield at Personal Protective Equipment (PPE) at konstruksyon ng temporary medical isolation at quarantine facilities.
Itinabi naman ang P13 billion para sa cash-for-work programs at unemployment o involuntary separation assistance para sa displaced workers, P24 billion para sa cash subsidies para sa mga magsasaka at P9.5 billion para sa mga programa at proyektong pang-transportasyon kabilang ang konstruksyon ng bike lanes at ayuda sa mga tsuper.
Nasa P4 billion ang para sa pagpapasigla ng Tourism industry.