P18-bilyong utang ng PhilHealth sa mga ospital, hiniling na bayaran na

Hinikayat na ng Kamara ang Philippine Health Insurance Corporations o PhilHealth na bayaran na ang bilyon-bilyong pagkakautang nito sa mga ospital.

Sa House Resolution No. 970 na inihain ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez, lumalabas sa claims ng Philippine Hospitals Association of the Philippines (PHAP) na mayroong kabuuang P18-bilyong utang ang PhilHealth sa kanilang mga miyembro.

Ang PHAP ay binubuo ng 733 ospital na mayroong 44,700 beds sa buong kapuluan.


Naniniwala ang mambabatas na posibleng nahihirapan ang mga pribadong ospital sa kanilang response sa COVID-19 dahil sa kakapusan na sa pondo at nakapangutang na rin ang iba para manatili sa kanilang operasyon.

Iginiit ni Rodiguez na mahalagang mabayaran ang mga nasabing ospital dahil nahaharap pa rin ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Kailangan ngayon na full operations ang mga pagamutan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na medical personnel gayundin ay hindi dapat magsara ang mga ito, bumaba ang kalidad ng serbisyo o kaya naman ay magkaroon ng lay off sa mga medical personnel dahil sa hindi pagbabayad ng PhilHealth.

Facebook Comments