Hinahanap ngayon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang umano’y P19.7 billion na ibinayad nito sa public at private hospitals.
Malaking kwestyon ngayon sa mga senador kung nasaan ang naturang halaga lalo’t kamakailan lang ay naharap sa cyberattack ang PhilHealth.
Sa pagdinig ng Senado para sa 2024 budget ng PhilHealth, sinabi ni PhilHealth Senior Vice President Renato Limsiaco Jr., na nabayaran na ng PhilHealth ang 73 percent o katumbas ng P19.7 billion mula sa kabuuang P27.7 billion na total payables nito sa mga ospital.
Pero umalma rito si Health Secretary Teodoro Herbosa dahil batay sa report sa kaniya ay wala pa talagang natatanggap na bayad mula sa PhilHealth ang mga ospital na nasa pangangasiwa ng Department of Health (DOH).
Maging si Private Hospitals Association of the Philippines President Dr. Rene de Grano ay nagsabi na P10 hanggang P15 billion pa ang utang ng PhilHealth sa 35 pribadong ospital.
Pinahihintay naman ng PhilHealth na makumpleto ang 100 percent ng mga datos na ninakaw sa kanilang computer system matapos na ma-hack.
Hiniling naman ni Senator Pia Cayetano sa PhilHealth na pagbutihin ang pagbabayad lalo sa mga maliliit na ospital at linawin kung nasaan na ba talaga ang P19.7 billion na dapat ay ibinayad sa mga ospital.