Makati City – Nakumpiska ng mga tauhan ng mga PNP Drug Enforcement Unit (PNP-DEG) ang mahigit 2.5 bilyong pisong halaga ng shabu sa isang Chinese national sa Banoyo Street, Barangay San Antonio, Makati City.
Ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Bernard Banac, alas 11:45 ng gabi kagabi ng ikasa ang buy-bust operation sa Barangay San Antonio, Makati City.
Nagresulta ito sa pagkakakumpiska ng 371 kilos ng shabu sa isang Chinese national na si Liu Chao na dalawang linggo pa lamang sa kanyang apartment.
Ayon kay PNP OIC Lieutenant General Archie Gamboa, si Liu Chao ang nakikipagtransaksyon sa bumibili ng shabu, nagsisilbi rin itong bodegero matapos na mag-arkila ng isang apartment sa Makati kung saan siya naaresto.
Iniimbestigahan pa ngayon ng PNP-DEG kung paano nakapasok sa bansa ang mga nakuhang droga.
Kinumpirma ni Gamboa na ang ibang droga ay nakalagay pa sa mga malalaking maleta.
Sa ngayon nakatakda nang sampahan ng kaso ang naarestong Chinese national na itinuturing na high value target ng Philippine National Police (PNP).