P2.6 billion na SAP aid, isinauli ng mga tapat na benepisyaryo at LGU sa DSWD

Umabot sa P2.6 billion ang natatanggap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa isinauli o ibinalik na emergency cash subsidies sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, aabot saP 49 million na halaga ng SAP aid ang ibinalik ng 7,931 beneficiaries mula sa iba’t ibang rehiyon dahil sa doble ang kanilang natanggap na ayuda mula sa iba pang ahensya ng pamahalaan.

Bukod sa duplication, may ilan din ang nagsauli dahil hindi sila kwalipikado o nasobrahan ang naibigay ng mga Local Government Unit (LGU).


Sinabi rin ni Paje na nag-refund din ang Financial Service Providers (FSP) ng P1.3 billion dahil sa problema sa pagke-credit sa payroll file o pagsama sa mga lugar na wala sa kanilang coverage.

Makikipag-ugnayan sila sa economic managers para sa proper management ng P2.6 billion na ibinalik na ayuda na posibleng isauli sa Bureau of Treasury o gagamitin sa iba pang programa ng ahensya.

Pagtitiyak ng DSWD sa publiko na ang mga sobrang pondo sa SAP ay gagamitin sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.

Nabatid na nasa 14.1 million ang benepisyaryo ng SAP 2, kung saan aabot na sa 12.1 million beneficiaries ang nabigyan ng ayuda na nagkakahalaga ng 73.07 billion o katumbas ng 86%.

Target tapusin ng DSWD ang digital at manual payout ng SAP 2 sa August 15.

Facebook Comments