Umapela ang National Telecommunications Commission (NTC) sa pamahalaan na pahintulutan silang magpataw ng mabigat na multa sa mga telecommunication companies na mabibigong pagandahin ang kanilang serbisyo.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios, mayroong isinusulong na panukalang itaas ang penalty mula sa ₱200 patungong ₱2 milyon kada violation kada araw.
Ang panukalang ito ay inihain na sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Una nang sinabi ng Malacañang na mas magagawa ng pribadong sektor na paghusayin ang internet connectivity sa Pilipinas.
Binanggit ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang telecommunications liberalization policy matapos sabihin ng NTC na ang mga gobyerno ng Vietnam, Japan, at South Korea ang nag-iinvest sa kanilang internet infrastructure.