P2 milyon halaga ng iligal na droga, nasabat ng otoridad sa isang condominium unit sa BGC

Taguig City, Philippines – Aabot sa P2 milyon halaga ng mga iligal na droga ang nasabat ng otoridad sa isang condominium unit sa Bonifacio Global City sa Taguig kagabi.

Sa bisa ng isang search warrant, hinalughog ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang condominium unit ng target na si Joseph Bayquen Jr. sa Mc Kinley Parkway Avenue.

Inaresto si Bayquen kasama ang isang babaeng kinilalang si Maria Sofia Gloria Mustonen na nasa loob ng nasabing unit.


Ayon kay PDEA Deputy Director General for Operation Ricardo Quinto, nakumpiska mula sa suspek ang mahigit 200 gramo ng hinihinalang shabu, cocaine, ecstacy, mga drug paraphernalia at dalawang baril.

Idinagdag ni Quinto, si Bayquen ay supplier ng party drugs sa Bonifacio Global City at nagbabagsak din ng iligal na droga sa mga Call Center Agent sa Taguig.

Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang bagama’t aminado itong gumagamit ng iligal na droga.

Inaalam pa ng pulisya kung may kinabibilangang grupo ang suspek at kung sino pa ang mga kasabwat nito.
DZXL558

Facebook Comments