
Nasabat ng joint operation ng Philippine National Police (PNP) PRO7 at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Mandaue City nitong Martes, March 26, 2025 ang mahigit ₱20 milyong halaga ng smuggled na mga sigarilyo.
Ayon kay PRO7 Regional Director PBGen Redrico Maranan, dalawang suspek din ang nahuli dahil sa aktong pag-iimbak ng mga pekeng yosi.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang operasyon ay isinagawa matapos humingi ng saklolo ang BIR-7 sa PRO-7 upang masugpo ang ilegal na bentahan ng mga smuggled na sigarilyo.
Kung saan target ng operasyon ang mga lugar sa Espina Compound, Sitio Sta. Cruz, at A.S. Fortuna Extension corner A. Del Rosario Street sa Barangay Guizo.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 334 master cases, 167,765 packs ng sigarilyo, at karagdagang 2,500 packs sa loob ng limang kahon na tinatayang nagkakahalaga ng ₱20,431,800.
Ang dalawang naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Regional Special Project Unit 7 at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.