Nagbabala ang Grab Philippines na huwag masyadong magulat kung tila masyadong maliit ang matatanggap na refund ng ilang pasahero simula sa December 31, 2019.
Ang refund ay mula sa 20 milyong pisong penalty na binayaran ng Transport Network Company (TNC), alinsunod sa utos ng Philippine Competition Commission (PCC).
Nabatid na pinagmulta ng PCC ang Grab dahil hindi nasunod ang napagkasunduang computation sa fare pricing mula Pebrero hanggang Mayo, at Mayo hanggang Agosto ngayong taon.
Ang halos 20 milyong pisong penalty ay hahatiin sa tinatayang tatlong milyong pasahero at depende pa sa kabuoang pasaheng ibinayad ng bawat Grab customer.
Halimbawa, piso ang matatanggap na refund ng mga customer sa bawat 1,200 pesos na ibinayad nito sa period ng Pebrero hanggang Mayo.
Sa Mayo hanggang Agosto naman ay piso sa kada 450 pesos na ginastos.
Ayon kay Grab Philippines spokesperson, Atty. Nicka Hosaka – bagamat handa nilang bayaran ang penalties, hindi sila nag-o-overcharge ng pamasahe.
Bago matanggap ang refund, kailangang makumpleto ang lahat ng requirement sa ilalim ng “know-your-customer” process sa Grab app.
Aminado ang PCC, na maliit ang matatanggap na refund ng mga Grab customer dahil pinagbasehan nila ang computation ng lumang kasunduan at commitments ng Grab sa PCC at LTFRB.