Manila, Philippines – Naniniwala si Deputy Speaker Johnny Pimentel na malinaw na may tinatago ang Philippine National Police o PNP sa P35 Million bounty sa Batocabe slay case.
Sa briefing ng House Committee on Public Accounts, pinaisa-isa ni Pimentel kay CIDG acting Director Police General Joel Napoleon Coronel kung saan napunta ang reward money sa pagpatay kay Ako Bicol Representative Rodel Batocabe.
Ayon kay Coronel, sa P35 million na reward money ang P2 Million na mula sa Albay Local Government ay direktang ibinigay sa PNP Provincial Director ng Albay habang ang P13 million na mula sa ambagan ng mga mambabatas ng Kamara ay napunta sa walong testigo.
Ang P20 million naman na mula sa Office of the President ay ibinigay naman kay dating PNP Chief General Oscar Albayalde.
Inamin ni Coronel na wala silang listahan kung kaninong mga witnesses napunta ang reward money na mula sa OP dahil ang liquidation dito ay hawak umano ng Executive Secretary ng OP.
No show naman si Albayalde sa briefing na ginawa ng Kamara dahil ipinadala ang imbitasyon sa tanggapan ng PNP chief kung kailan umalis din ito sa pwesto.
Ipapatawag muli sa susunod na briefing si Albayalde at ang provincial director ng Albay.
Hiniling din ni Pimentel na gawin na lamang na pormal na pagdinig ang ginagawang briefing upang maobliga ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng PNP na dumalo sa pagdinig.