P20 na bigas para sa magsasaka, pinalawak sa apat pang lokasyon

Nadagdagan pa ang mga lugar sa bansa kung saan makabibili ang mga magsasaka ng P20 na kada kilo ng bigas.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., simula ngayong araw, ang P20-per-kilo ng bigas ay mabibili na rin sa National Food Authority (NFA) warehouse sa Laoag City, Ilocos Norte; San Jose, Occidental Mindoro; Roxas City, Capiz; at Baloy, Cagayan de Oro.

Aniya sa susunod na linggo ay ilulunsad na rin ang P20 rice program sa mga mangingisda at mga manggagawa sa fish port na nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.

Ang mga inisyal na benepisyaryo mula sa fish sector ay mga komunidad sa Lucena City (Quezon), Sual (Pangasinan), at Navotas.

Binigyang-diin ni Laurel na patuloy ang pagpapalawak ng programa para maabot ang target na 15 milyong pamilya sa susunod na taon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Facebook Comments