P20 na presyo sa kada kilo ng bigas, malabo ayon sa isang senadora

Duda si Senate Committee on Agriculture Chairperson Cynthia Villar na maibaba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas.

Sa pulong balitaan sa Senado ay naitanong sa senadora kung posible ang P20 kada kilo na presyo ng bigas na naunang ipinangako ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Villar, malabo ito dahil ang presyo ng kada kilo ng palay ay P11.50 at kung i-convert ito sa bigas na “times two” ang presyo nito ay P23.


Sa nasabing halaga, hindi pa kasama rito ang transportasyon kaya paano na lamang kikita ang mga magsasaka kung itatakda sa P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas.

Kung ang senadora ang tatanungin, ang makatwirang presyo para sa kada kilo ng bigas ay P30.

Samantala, dahil bumaba na ang presyo ng bigas ngayon at kung gusto ng Department of Agriculture (DA) na limitahan ang imported na bigas para makatulong sa mga magsasaka ay huwag na silang mag-isyu ng import permit.

Facebook Comments