P200-M na tulong pinansyal sa mangingisdang apektado ng Mindoro oil spill, tiniyak ng liderato ng Kamara

Tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na hahanapan ng pondo ang P200 milyong tulong pinansyal para sa may 8,000 mangingisda sa Oriental Mindoro na lubhang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa oil spill na dulot ng paglubog ng MT Princess Empress

Inihayag ito ni Romualdez sa kanyang pakikipagpulong sa lider ng grupo ng mga mangingisda na inilapit ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas upang matulungan.

Kasama ni Speaker Romualdez sa pulong sina Majority Leader Mannix Dalipe, Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos, at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.


Ayon kay Speaker Romualdez, desidido itong makakuha ng pondo mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang mabigyan ng tig-P24,000 tulong ang 8,000 mangingisda.

Sabi ni Romualdez, panimulang tulong lang ito na sapat sa dalawang buwan at hahanap pa ng paraan para makakuha ng pondo para sa mga alternative livelihood programs habangs nililinis pa ang oil spill.

Binanggit pa ni Romualdez na kung kukulangin pa ay tutulong din ang iba pang mga miyembro ng Kamara para magtuloy-tuloy ang ayuda habang hindi pa nakakabangon sa trahedya ang mga apektadong mangingisda.

Facebook Comments