
Inaprubahan na ng House Committee on Labor and Employment ang Substitute Bill at committee report para sa P200 across the board legislated wage increase para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ikinalugod ng chairman komite na si Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles, na makalipas ang apat na pagdinig sa loob ng walong buwan ay napagbotohan na sa wakas ang wage hike bills.
Iniuutos ng panukala na lahat ng employers sa pribadong sektor, agricultural man o hindi, gaano man kalaki ang capitalization, at bilang ng empleyado ay babayaran ang kanilang mga manggagawa ng dagdag na P200.
Magugunitang kabilang sa tinalakay sa mga nakalipas na hearings ay ang P150 Wage Hike Bill na inihain ni House Deputy Speaker at Trade Union Congress of the Philippines o TUCP Partylist Rep. Democrito Mendoza at ang P750 wage increase na isinusulong naman ng Makabayan Bloc.
Ang pagpapatibay ng komite sa Wage Hike Bill ay kasunod din ng pulong ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kamakailan sa mga kinatawan ng iba’t ibang labor groups at employers kung saan napagkasunduan ang P200 na daily minimum wage hike.