P200K na Halaga ng Livelihood Kit, Ipinamahagi sa 25 MSME’s sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Nabigyan ng tulong mula sa Department of Trade and Industry (DTI) Isabela katuwang ang provincial government at iba pang mga ahensya ang nasa 25 na Micro, small and medium enterprises (MSME’s) sa Lungsod ng Cauayan at Santiago.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Chary Anne Gauani, Planning Assistant at Information Officer ng DTI Isabela, ang naturang programa na pinangunahan ni Provincial Director Winston Singun ay sa ilalim ng kanilang Livelihood Seeding Program–Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB) na layong matulungan ang mga MSME’s na lubhang naapektuhan sa COVID-19 pandemic.

Nasa 13 na benepisyaryo mula sa Lungsod ng Cauayan ang nakinabang sa P200 libong halaga ng livelihood kit na ipinamahagi sa mga kwalipikadong MSME’s kung saan siyam (9) sa mga ito na mga online sellers ay nakatanggap ng Cellphone at load cards habang ang apat (4) na may mga Kainan ay nabigyan ng Carinderia package.


Sinaksihan naman ni City Mayor Bernard Dy ang pagtanggap ng tulong ng mga piling nagnenegosyo sa Lungsod at pinaalalahanan din niya ang mga ito na gamitin sa tama ang ipinagkaloob na tulong ng DTI upang mapalago at mapalaki ito.

Mayroon namang 12 na benepisyaryo ang nabigyan sa Lungsod ng Santiago kung saan siyam (9) rito ay nakatanggap ng Carinderia package at tatlo (3) naman ang nabigyan ng Online Business package.

Samantala, pansamantala munang itinigil ng DTI ang pagtanggap sa mga mag-aavail sa Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso o P3 program dahil sa kakulangan sa pondo subalit inaasahan itong bubuksan muli sa darating na buwan ng Agosto.

Facebook Comments