P27.6-M na halaga ng ilegal na droga, nasamsam sa month-long anti-illegal drug operations sa Cordillera

Umabot sa mahigit P27.6 milyon ang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga, habang 38 drug personalities ang naaresto sa isinagawang month-long anti-illegal drugs operations ng Police Regional Office -Cordillera (PRO-CAR).

Batay sa ulat ng Regional Operations Division, 74 operasyon ang naisagawa: 42 marijuana eradication, 19 buy-bust, anim na search warrant implementation, lima na service of warrants of arrest, at dalawa bilang police response.

Sa kabuuan, nasamsam ang 126.6 gramo ng shabu, mahigit 93,000 fully grown marijuana plants, 12,290 marijuana seedlings, 25 kilo ng tuyong dahon at bunga ng marijuana, at 38 kilo ng tuyong marijuana stalks.

Pinakamalaking operasyon ang isinagawa sa Kalinga kung saan nasamsam ang ilegal na droga na tinatayang aabot sa P15.1 milyon, sinundan ng Benguet na may P9.1 milyon, Baguio City na may P3 milyon, Mountain Province na P142,000, Abra na P132,000, at Ifugao na P17,000.

Ayon sa PRO-CAR, kabilang sa mga naaresto ay 22 high-value targets at 16 street-level individuals.

Giit ng pulisya, patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa buong rehiyon ng Cordillera.

Facebook Comments