Nasa P27.7 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasabat na ilegal na droga ng Ilocos Police Regional Office (PRO-1) sa isinagawang 184 operasyon nitong Oktubre.
Ayon kay PMAJ Divina Albino, hepe ng information office ng PRO-1, kabilang sa mga nakumpiska ang 1,335.4 gramo ng shabu, 130.8 gramo ng tuyong marijuana, 92,225 fully grown marijuana plants, at 5,288 marijuana seedlings.
Sa mga operasyon na isinagawa katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), 212 katao ang naaresto habang 10 iba pa ang boluntaryong sumuko.
Mula Oktubre 23 hanggang 26, sinira ng mga otoridad ang tinatayang P18.6 milyong halaga ng marijuana plants at seedlings sa kabundukan ng Sugpon, Ilocos Sur at Santol, La Union.
Bukod dito, 336 wanted persons din ang naaresto sa pinaigting na operasyon ng PRO-1, kabilang ang 8 Regional Most Wanted, 4 Provincial Most Wanted, 13 City Level Most Wanted, at 35 Municipal Level Most Wanted Persons.
Dagdag ni Albino, 276 iba pang indibidwal na may iba’t ibang kasong kriminal ang nadakip din sa nasabing operasyon.
Buong pagpapahayag ng tanggapan, ang walang tigil na operasyon upang masawata ang kriminalidad sa rehiyon.










