P270 million I-Corn Complex sa City of Ilagan, Binisita ng DA Officials

Cauayan City, Isabela- Bumisita ang ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA) region 2 sa pangunguna ni Regional Executive Director Narciso A. Edillo sa limang (5) ektaryang nabiling lupa ng lokal na pamahalaan ng Ilagan kung saan napipintong maitayo ang I-CORN Complex.

Ayon kay Director Edillo, ang nasabing proyekto ay napapanahon lalo pa at humaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Pinuri din niya ang LGU sa pamumuno ni City Mayor Jay Diaz sa kanilang suporta at kagustuhan na makipagtulungan sa Department of Agriculture.


Nagkakahalaga ng P270 million ang agri-business complex at inaasahang mauumpisahan sa lalong madaling panahon.

Matatandaang inaprubahan ni DA Sec. William Dar noong nakalipas na buwan ang ginawang presentasyon ng alkalde sa harap ng mga opisyal ng DA central office.

Samantala, binisita rin ng mga opisyal ang Sagittarian Agricultural Products Inc kung saan naroon ang 2,400 swine production complex na naitayo sa tulong na rin ng Thailand-based investor.

Tiniyak naman ni Diaz na higit na magbebenepisyo ang mga magsasaka kung saan ang kanilang mga produktong mais ay magkakaroon ng dagdag na kita.

Magugunitang idineklara bilang Corn Capital of the Philippines ang lungsod ng Ilagan ng Department of Agriculture noong Agosto taong 2017.

Facebook Comments