Pormal na ilulunsad bukas ng Department of Agriculture (DA) ang malawakang pagbebenta ng murang presyo ng bigas para sa mga piling benepisyaryo.
Ito ay sa ilalim ng P29 Project ng DA layong magbigay ng de-kalidad na bigas sa halagang P29 kada kilo sa mahigit 6.9 milyong pamilyang nangangailangan.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra na kabilang sa mga maaaring makabili ng bigas ang mga miyembro ng 4Ps, solo parent, at senior citizen.
Ito ay isasagawa sa sampung Kadiwa sites simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Kabilang sa mga lugar na ito ang:
-BPI Malate sa Maynila,
-BAI Dome at NIA sa Quezon City
-FTI Taguig
-PhilFIDA sa Las Pinas City
-Barangay 167 sa Caloocan City
-Barangay Fortune at BFCT sa Marikina City
-Disiplina Village sa Valenzuala City
-Barangay Minuyan Proper sa San Jose Del Monte Bulacan
Ayon pa kay Asec. Guevarra, target ng DA na mapalawak pa sa Agosto ang Kadiwa Sites na makakapagbenta ng P29 kada kilo ng bigas.
Hinimok din ng opisyal ang mga kwalipikadong mamimili na magdala ng mga identification card at ecobag upang mabawasan ang paggamit ng plastik.
Samantala, nanawagan naman si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na iwasan ang pang-aabuso sa programang ito, tulad ng pagbebenta bigas ng mga benepisyaryo na binili sa mas mababang presyo.