Panawagan ng ilang pederasyon ng tricycle drivers sa Dagupan City na isagad sa P30 hanggang P50 ang regular at special fare mula sa P20-P30 na panukalang regular shared at special hire fare kada dalawang kilometro para sa bagong fare matrix sa lungsod.
Inihayag ng mga tricycle driver ang kanilang suhestyon sa ginanap na public consultation kahapon na dinaluhan din ng ilang mananakay upang mabalanse ang karapatan ng dalawang partido sakaling maaprobahan na ang panukalang ordinansa.
Saad ng mga driver, ilan sa hamon na kanilang kinakaharap ang gastusin sa pagpapaayos ng kanilang sasakyan bukod pa sa kanilang araw-araw na pangangailangan at pantustos sa kanilang pamilya.
Nilinaw din ang usapin sa umano’y pagtanggi ng ilang driver sa pasahero na ayon sa mga driver ay pinipili nilang gawin kapag alam nilang hotspot sa pulis ang lugar, hindi nagkasundo sa pamasahe ang pasahero at driver at kapag hindi kakayanin ng sasakyan ang destinasyon sa sitwasyong malalim ang baha.
Ayon sa Sanggunian, mainam na talakayin na ang lahat ng opinyon, salik at suhestyon dahil posibleng mapabilang sa papatawan ng violation sa ipapasang ordinansa sakaling hindi bukas at malayang mapag-usapan sa pagtitipon tulad.
Kabilang pa sa mga napag-usapan ang tungkol sa mga kolorum, tamang hatian ng day at night shift na driver at apela na mabigyan ng ayuda ang mga tricycle driver.
Layunin ng pagdinig na makabuo ng makatarungan at malinaw na sistema ng pamasahe na isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga driver at kaginhawahan ng mga pasahero. Sa paraang ito, mapapalakas din ang tiwala at kooperasyon para sa maayos na biyahe at serbisyo.
Sa ilalim ng panukala, P20 ang pamasahe ng bawat pasahero at karagdagang P10 sa mga susunod na dalawang kilometro sa isang regular shared ride sa mga non-holding areas.
Para naman sa mga special hire na nasa holding areas o request ng pasahero, pumapatak sa P30 ang pamasahe kada dalawang kilometro kapag iisa ang pasahero, P25 naman kapag dalawa ang sakay, at P20 kapag nasa tatlo hanggang apat kabilang pa ang karagdagang tig- sampung piso sa mga susunod na dalawang kilometro.
Mandatoryo rin ang pagbibigay ng 20% discount sa mga senior citizen, estudyante at PWD kalakip ng pagpresenta ng valid ID.
Tiniyak naman ng Sanggunian na isasaalang-alang ang kabuuan ng naging pagdinig mula sa suhestyon at opinyon ng parehong driver at mananakay upang magkaroon ng patas at makatarungang sistema sa fare matrix ng mga tricycle sa Dagupan City. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









