Isinusulong ng Makabayan bloc sa Kamara na mabigyan ng buwanang P3,000 “inflation adjustment allowance” ang lahat ng mga empleyado sa gobyerno.
Tinukoy sa House Bill 9922 na ang mga government worker ay frontliners din sa pagbibigay serbisyo, may pandemic man o wala.
Ipinunto rin sa panukala na isa ang mga kawani ng pamahalaan sa apektado ng COVID-19 pandemic lalo pa’t kakarampot lang ang sahod ng ilan sa mga ito.
Sa kasalukuyan ay nasa P12,034 lamang kada buwan ang minimum salary para sa mga empleyado ng gobyerno, malayo ito sa P33,570 kada buwan na ideal na sahod para makapamuhay ng maayos ang isang pamilya na may anim na miyembro.
Ang isinusulong na dagdag na P3,000 monthly inflation adjustment allowance para sa mga government worker ay may layong palakasin ang “purchasing power” ng mga ordinaryong mamamayan at matulungan sila sa mabigat na epekto ng pandemya.
Bukod dito, malaki rin ang maitutulong ng dagdag na allowance sa mga government employee para lalo pa nilang pag-ibayuhin ang serbisyo sa publiko.