P3,000 kada buwan na food credits sa ilalim ng food stamp program ng DSWD para sa mga mahihirap na pamilya, tinalakay sa Senado

Tinalakay sa budget deliberation sa plenaryo ang proyektong food stamps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Senator Imee Marcos, na siyang sponsor ng panukalang budget ng DSWD sa 2024, ang food stamp system ay isang bagong programa para sa mga mahihirap na pamilya.

Ito aniya ay isang monetary based assistance na ilalagay sa electronic card na mayroong load para sa food credits na hanggang P3,000.


Ang load para sa food credits ay magagamit lamang aniya na pambili ng basic fresh foods tulad ng gulay, isda at karne mula sa partner merchants.

Giit ni Sen. Marcos, hindi ito maaaring gamiting pambili ng de lata at mga pagkain mula sa mga fastfood chains.

Ang P3,000 food credits ay buwan-buwan na ibibigay sa mga benepisyaryo na mananatili sa programa sa loob ng apat na taon.

Layunin ng food stamp program na mapakain at mabigyan ng sapat na nutrisyon ang nasa 1 million na food poor families pero dahil pilot project pa lamang ito ay pumili lamang muna sila ng mga pamilya sa limang munisipyo sa Camarines Sur, Surigao del Norte, Maguindanao at sa Tondo.

Facebook Comments