P33 wage increase sa NCR, “panandaliang ligaya” lang – ALU TUCP

“Panandaliang ligaya” lang ang inaprubahang umento sa sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila.

Nabatid na mula sa kasalukuyang P537 ay magiging P570 na ang sweldo ng mga manggagawa sa National Capital Region matapos na aprubahan ng wage board ang dagdag na P33.

Pero giit ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Association of Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), saglit lang matatamasa at hindi mararamdaman ng mga manggagawa ang umento dahil bukod sa kakarampot ay babawiin lang din naman ito ng mga nakaambang dagdag-presyo sa mga pangunahing bilihin at serbisyo.


Samantala, nabatid na ipinagbabawal ang paghahain ng panibagong petisyon sa loob ng isang taon matapos na magbigay ng wage increase order.

Dahil dito, tututukan muna ngayon ng grupo ang pagrerebisa sa national minimum wage law na 33 taon na ang tanda.

Ani Tanjusay, sa taon-taong naghahain sila ng wage hike petition ay napapansin nila na paliit nang paliit ang ibinibigay na dagdag-sahod ng gobyerno.

Pinapakita lamang aniya nito sa halip kasi na magtakda ng “living wage” ay tila “cheap labor” pa ang ipino-promote ng wage board at ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa huli, umapela si Tanjusay sa wage board na maglabas na rin ng wage increase order sa iba pang rehiyon sa bansa.

Facebook Comments