
Iniimbestigahan ng Commission on Audit (COA) ang mahigit P330 milyon halaga ng flood control projects sa Bulacan matapos isumite ang apat na Fraud Audit Reports (FARs) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI). Kaugnay ito ng umano’y ghost projects at iligal na paglilipat ng lokasyon ng mga proyekto.
Ayon sa COA, ang mga nasabing proyekto ay ipinatupad ng DPWH–Bulacan 1st District Engineering Office at ini-award sa Wawao Builders. Lumabas sa imbestigasyon ng Special Audit Team na may ilang proyekto na:
• Walang naitayong aktuwal na istruktura
• Inilipat sa ibang lokasyon nang walang pahintulot
• May ulat ng 100% completion kahit walang aktwal na konstruksyon
Mga halimbawa ng nasabing proyekto:
• Malolos City – Brgy. Calero: Riverbank protection project na nagkakahalaga ng P77.19 milyon, walang istruktura sa aprubadong lokasyon kahit idineklara itong tapos na.
• Guiguinto – Brgy. Malis (Phase III): Riverbank protection project na nagkakahalaga ng P98.99 milyon, itinayo sa ibang bahagi ng ilog, may bitak at kulang sa dokumento.
• Calumpit – Brgy. Bulusan: Flood mitigation project na nagkakahalaga ng P77.19 milyon, walang ebidensya ng konstruksyon sa kontraktuwal na lokasyon batay sa satellite at drone footage.
• Malolos City – Brgy. Namayan: Riverbank protection project na nagkakahalaga ng P77.11 milyon, pader ay nasa ibang lugar at walang dokumentong nagpapatunay sa awtorisadong relokasyon.
Dahil sa mga natuklasan, maaaring kasuhan ng graft and corruption, malversation of public funds, at falsification of documents ang mga responsable, bukod pa sa paglabag sa COA at procurement laws.
Ayon kay COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba, bahagi ng direktibang ito ang pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutukan ang umano’y katiwalian sa flood control projects.









